Ang panlipunang pananaw ni Jose W. Diokno

Ang pag-aaral na ito ay naglalayong ilahad ang panlipunang pananaw ni Jose W. Diokno na hinabi mula sa kanyang panlipunang kaisipan at pakikisangkot at ipakita ang maaaring maging ambag nito sa pagpapanibago ng Edukasyon sa Pilipinas, partikular sa mga larangan ng Edukasyong Panrelihiyon at Edukasyo...

Full description

Saved in:
Bibliographic Details
Main Author: Sepeda, Bernardo Noceda
Format: text
Language:Filipino
Published: Animo Repository 2004
Subjects:
Online Access:https://animorepository.dlsu.edu.ph/etd_doctoral/40
https://animorepository.dlsu.edu.ph/context/etd_doctoral/article/1039/viewcontent/CDTG003705_P.pdf
Tags: Add Tag
No Tags, Be the first to tag this record!
Institution: De La Salle University
Language: Filipino
Description
Summary:Ang pag-aaral na ito ay naglalayong ilahad ang panlipunang pananaw ni Jose W. Diokno na hinabi mula sa kanyang panlipunang kaisipan at pakikisangkot at ipakita ang maaaring maging ambag nito sa pagpapanibago ng Edukasyon sa Pilipinas, partikular sa mga larangan ng Edukasyong Panrelihiyon at Edukasyon ng Pagpapahalaga. II. MGA KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL Una, makakatulong ito upang maipakilala at maipalaganap ang mga makabayang diwa, panlipunang pananaw at buhay ng mga bayaning Pilipino sa kasalukuyang panahon sa katauhan ni Ka Pepe. Ikalawa, makapagpapayabong ito sa pagsusulong ng mga pananaliksik sa kaisipan, kultura, kamalayan at lipunang Pilipino na tinaguriang Pilipinolohiya. Ikatlo, ito ay isang kongkretong tugon sa hamon ng Kapulungan ng mga Obispo para sa larangan ng edukasyon na maging daluyan ng pagpapanibago ng puso, tagapaghanda ng isang mapanuring pag-unawa, at tagahamon sa lipunang kinabibilangan at sa mga pinahahalagahan nito. Ang panghuli ay may kinalaman sa patuloy na pagsusulong ng paggamit ng ating sariling wika sa pananaliksik at sa artikulasyon ng ating pag-unawa sa ating pananampalataya, kaisipan, kamalayan, kultura at lipunan. III. METODOLOHIYA Ang pag-aaral ito ay isang paglalarawan na gumamit ng metodolohiyang sosyolohikal at historikal. Ito ay sosyo-historikal dahil binalikan ang kasaysayan upang sariwain ang larawan ng kalagayang panlipunan kung saan hinubog ang pagkatao, kaisipan at paninindigan ni Ka Pepe. Sa paglalahad, sinubukang himayin, suriin at ilarawan ang panlipunang kaisipan at pakikisangkot ni Jose W. Diokno mula sa mga dokumento, talumpati, liham, pahayag, vidyo at mga monograp na isinulat niya o tungkol sa kanya at mula sa mga pagkilos na ginawa niya. Tungkol kay Ka Pepe, sinuri ang kanyang mga isinulat na talumpati, liham, artikulo, monograp at iba pang mga primaryang dokumento na may kinalaman sa kanyang panlipunang pananaw. Nakatulong din ang mga dokumento mula sa kanyang mga itinatag na organisayon gaya ng FLAG at KAAKBAY. Isa pang mahalagang batis ng datos ay ang mga nakuha sa pagtatanong-tanong at mga panayam na ginawa. Sumailalim ang mga datos sa isang dokumentaryong pagsusuri at historikal na pagtatasa sa tulong ng mga kaisipan ng iba pang mga makabayang Pilipino tulad nina Recto, Tanada, Constantino, at Salonga. 5 IV. MGA NATUKLASAN Sa ikalawang kabanata ay inilarawan ang pagkahubog ng pagkatao ni Ka Pepe bilang isang makabayang Pilipino. Bilang paglalagom sa kabanata, inilarawan din siya bilang isang ganap na Lasaylano, tapat na Pilipino at mabuting Kristiyano. Sa ikatlong kabanata ay inilahad ang diwa ng pagkamakabayan ni Ka Pepe na masasabing siyang lupang tinaniman ng kanyang panlipunang pananaw. Ito ay isang pagkamakabayang maka-Pilipino na dumadaloy mula sa kasaysayan ng mga dakilang bayani ng himagsikan laban sa mga dayuhang mananakop. Sa ika-apat na kabanata ay sinuri ang panlipunang pananaw ni Ka Pepe mula sa kanyang mga panlipunang kaisipan at sa kanyang mga panlipunang pakikisangkot. Sa unang bahagi ay inilahad at sinuri muna ang kanyang mga kaisipan tungkol sa tao at lipunan na masasabing pundasyon ng kanyang mga kaisipan tungkol sa ibat-ibang aspeto ng lipunan. Pagkatapos ay inilahad at sinuri ang kanyang mga kaisipang pang-ekonomiya, pampulitika, at pangkultura. Sa ikalawang bahagi ay inilahad at sinuri ang panlipunang pakikisangkot ni Ka Pepe base sa mga kilusan at organisasyon na kanyang itinatag o kinasangkutan sa kanyang mga pakikibaka para sa karapatang pantao, para sa ganap na soberanya, at para sa tunay na demokrasya. At sa kabuuan, ang nahabing panlipunang pananaw ni Ka Pepe ay isang pangarap na bayang dakila, malaya, makatarungan, makapagmamalaki, nagsasarili, at marangal. Isang bayan para sa ating mga anak. Sa ikalimang kabanata ipinakita na upang mapangyari ang bayang pinangarap ni Ka Pepe, nangangailangan ng pagpapanibago sa lipunan. At edukasyon ang susi upang mapangyari ito. Ang hamon ng pagpapanibago ay isang alternatibong edukasyon na holistiko o buo, kritikal, malaya at mapagpalaya, makabayan o maka-Pilipino, makatao, at maka-Diyos. Samakatuwid, ang edukasyong panrelihiyon at edukasyon ng pagpapahalaga ay hinahamon ding magpanibago upang ang pangarap na bayan ni Ka Pepe ay ating masilayan