Inikaduwa: Ang kambal-kaluluwa ng mga Maranaw sa Wao, Lanao del Sur
May malawak na pagpapahalaga at pagpapakahulugan ang lipunang Maranaw sa konsepto ng inikaduwa at ng kambarakat sa kabuuan. Ang kambarakat sa kabuaan ang nagbibigay sa mga Maranaw ng iba’t ibang paniniwala tungkol sa pag-iral ng katutubong kapangyarihan. Isa sa mga kadaupang-palad ng mga Maranaw sa...
Saved in:
Main Author: | |
---|---|
Format: | text |
Language: | Filipino |
Published: |
Animo Repository
2019
|
Subjects: | |
Online Access: | https://animorepository.dlsu.edu.ph/etd_masteral/7082 |
Tags: |
Add Tag
No Tags, Be the first to tag this record!
|
Institution: | De La Salle University |
Language: | Filipino |
Summary: | May malawak na pagpapahalaga at pagpapakahulugan ang lipunang Maranaw sa konsepto ng inikaduwa at ng kambarakat sa kabuuan. Ang kambarakat sa kabuaan ang nagbibigay sa mga Maranaw ng iba’t ibang paniniwala tungkol sa pag-iral ng katutubong kapangyarihan. Isa sa mga kadaupang-palad ng mga Maranaw sa pagbuhay sa katutubo ang inikaduwa. Ang inikaduwa ang tagabantay at kakambal ng isang Maranaw bagaman hindi ito nakikita, buhay ito at may pakialam sa pagbuhay sa kanya ng kanyang kakambal na tao. Pangunahing layunin ng pag-aaral na ito ang alamin ang tungkulin ng inikaduwa sa buhay ng mga Maranaw. Ilalahad ang kabarakat ng inikaduwa. Nilikom at inilarawan ang mga gawain ng mga Maranaw na may kinalaman sa inikaduwa tulad ng kabuhayan (pagtatanin ng mais, palay, tubo at iba pang gawaing pagsasaka), pananampalaya o relihiyon (Islam), at pamumuno. Nilayong matugunan ito sa pamamagitan ng etnograpikong pag-aaral na magkakaroon din ng diskurso sa pagkalalang ng tao batay sa dalawang magkaibang paniniwala, katutubo at ang relihiyon. Ang pag-inog ng dalawang paniniwalang ito ang ilalahad at ang magkasabay na pananahanan ng mga ito sa mga Maranaw sa konstruktibong batayan. Dumadaloy sa pagkatao ng isang Maranaw ang inikaduwa. Mula sa gawaing pisikal hanggang ispirituwal na pagpapakatao. Bukod sa kaluluwa, nagiging katuwang ang inikaduwa sa pagpapalalim ng paniniwala ng mga Maranaw. Kasabay ng pag-iral ng tao ang pag-iral ng inikaduwa. Sa pahayag ni Dy (2014) tungkol sa pag-iral ng tao, “ang kapuwa ang personal na paraan ng pakikipag-ugnayan ko sa iba bilang tao, ang interpersonal. May iba’t ibang antas ng pagiging malapit o matalik sa ugnayang interpersonal mula sa aktuwal na pakikipagtagpo sa iba sa pamamagitan ng diyalogo hanggang sa palagiang relasyon ng pakikipagkaibigan, mula sa isang kongretong pagkahabag hanggang sa pagtupad ng isang paninindigang ukol sa mga relasyong pampamilya. Ang kapuwa, sa madaling salita, ang kagyat na tuwirang pakikipag- ugnayan ko sa iba.” Kaugnay nang nabanggit sa pagkikipagkapuwa, samakatuwid, maaaring makipag-ugnayan at makipagkapuwa sa mga nilalang na hindi nakikita tulad ng inikaduwa. Ang pamamaraang ginagawa at isinasakatuparan ng mga Maranaw ay akto ng pakikibahagi sa inikaduwa. Ang pagsasaalang-aalang ng Maranaw sa kanyang kakambal na inikaduwa ang pinakamabisang pag-aalaga sa kanyang kambal na hindi nakikita at interaksyon ng tao at ng inikaduwa ay nasusukat sa mga gawaing may kinalaman sa kambarakat. Samakatuwid, binibigyan ng Maranaw ng kapangyarihan ang kanyang kakambal na inikaduwa upang maging aktibo sa mga gawaing pangkatutubo at binibigyan naman ng inikaduwa ng kapangyarihan ang Maranaw upang maging aktibo ito sa mga gawaing pangkatutubo. Nakabatay sa oral na tradisyon o mga kwentong nagtuturo sa mga Maranaw kung paano umiral ang katutubong paniniwala. Batay sa paglalarawan ni Datu Abdul, kinakailangang may mapagsalinan ng kaalaman tungkol sa katutubong paniniwala upang ito ay mapangalagaan at hindi maglaho. Mahalagang maproteksyunan ito dahil isa ito sa mga dahilan kung bakit nakatatayo sa kabuuan ang etnikong pangkat ng mga Maranaw. Samakatuwid, hindi lamang identidad ng mga Maranaw ang pagmamalasakit sa kanilang katutubong paniniwala kundi buhay. Ito ang kanilang buhay at paraan ng pamumuhay.Nakatulong din ang patuloy na pagsasagawa ng mga gawaing pangkatutubo tulad ng kabatowa, palakia, at kandatu upang laging makadaloy sa lipunang Maranaw ang kambarakat at inikaduwa. Upang hindi ito maging stagnant, kumbaga nariyan subalit hindi naman ginagamit o itinatanghal, tinitiyak ng mga datu, bae, barakat, pangingipat, panday, at iba pang Maranaw na may malawak na kaalaman at pang-unawa sa konsepto ng kambarakat sa kabuuan na maging tubig ng mga Maranaw ang katutubong paniniwala tulad ng inikaduwa hindi lamang sa panlabas kundi maging panloob. Sa relihiyong Islam, napatunayang walang naglalamangan sa dalawang paniniwala. Pantay ang katutubo at ang relihiyon Islam sa lipunang Maranaw. Pinagtatambal ng mga Maranaw ang dalawang paniniwala upang lalong tumibay ang kanilang pananampalataya. Naging dahilan din ito upang mabuksan ang pinto ng dalawang paniniwala sa mga gawaing taliwas sa mga ito. Ibig sabihin, hindi man lantarang binabanggit subalit batay sa mga pahayag ng ilang datu at bae, hindi maaaring isa lamang sa dalawang paniniwala ang umiral at paniwalaan ng lipunang Maranaw dahil bilang etnolinggwistikong pangkat, pinahahalagaan nila ang kabuluhan ng mga kaugaliang pamana ng kanilang mga ninunong Maranaw. Ang katutubong paniniwala ang nagbibihis sa mga Maranaw bilang etnikong pangkat. Samatala, hindi rin naman nila maaaring itakwil na lamang ang relihiyong Islam dahil malakas din ang kanilang kapit at paniniwala sa Allah. Ibig sabihin, ang relihiyong Islam naman ang nagbibihis sa mga Maranaw bilang mga Muslim. |
---|