Breaking the tabo: Transnasyonal na identidad bilang representasyong Pilipino ng One Down Media

Ang “Breaking the Tabo” ay isang online na serye ng One Down Media na gumagalugad sa makabagong karanasan ng mga Pilipino na hindi isinasama sa mga dominanteng diskurso o sa mainstream na midya. Ang “Breaking the Tabo” ay isang paglalaro sa Ingles na kasabihang “breaking the taboo” na sa pagsalin ay...

Full description

Saved in:
Bibliographic Details
Main Author: Sumalinog, Vangie C.
Format: text
Language:Filipino
Published: Animo Repository 2022
Subjects:
Online Access:https://animorepository.dlsu.edu.ph/etdb_fil/6
https://animorepository.dlsu.edu.ph/cgi/viewcontent.cgi?article=1007&context=etdb_fil
Tags: Add Tag
No Tags, Be the first to tag this record!
Institution: De La Salle University
Language: Filipino
Description
Summary:Ang “Breaking the Tabo” ay isang online na serye ng One Down Media na gumagalugad sa makabagong karanasan ng mga Pilipino na hindi isinasama sa mga dominanteng diskurso o sa mainstream na midya. Ang “Breaking the Tabo” ay isang paglalaro sa Ingles na kasabihang “breaking the taboo” na sa pagsalin ay pagbasag sa mga usaping hindi naman napag-uusapan sa karaniwang mga sitwasyon at madalas ay ikinahihiya pa ngang pag-usapan. Tiningnan ng pananaliksik na ito ang paraan ng One Down Media sa paghubog ng transnasyonal na identidad ng mga Pilipino sa Breaking the Tabo. Sa mga dahilan na malabnaw ang mga resulta sa mga search engine at sa kagustuhan na palawigin pa at makapag-ambag sa mga talakayan sa mga larangan ng Araling Pilipinas, Araling Diaspora at Araling Pangmidya, sinaliksik sa papel na ito ang mga matututunang perspektibo mula sa One Down Media, partikular sa kanilang seryeng Breaking the Tabo. Dalawang lente ang ginamit bilang batayan sa pagsasagot ng pangunahin at tiyak na suliranin. Una, para sa katanungang “ano-ano ang nilalaman ng mga episodyo ng unang serye ng Breaking the Tabo,” ang Content Analysis ay ginamit sa pagsusuri ng unang pitong episodyo ng unang season ng seryeng binanggit. Pangalawa, para sa katanungang “ano-ano ang mga icon tungkol sa transnasyonal na Pilipino na matatagpuan sa unang serye ng Breaking the Tabo,” ang Teorya ng Semiotika ni Barthes ay ginamit sa pagsasalarawan ng mga icon ng serye, pagpapalitaw ng ideyolohikal na mensahe ng mga icon na ito, at pagtukoy sa retorikal na estratehiyang ginamit ng Breaking the Tabo sa paglalahad ng nasabing icon. Bilang resulta ng katanungan tungkol sa nilalaman ng bawat episodyo ng unang season ng Breaking the Tabo, natuklasan na ang laman ng unang season ng Breaking the Tabo ang mga suliranin ng diasporang Pilipino ng Amerika. Maisasakategorya sa dalawang uri ang talakayan. Una, ang talakayan sa representasyong transnasyonal na matatagpuan sa mga midya na kinokonsumo at sa bawat sulok ng lipunan na ginagalawan. Pangalawa, ang pagsisikap ng serye na suriin ang ahensiya o pag-iisip ng komunidad ng transnasyonal na Pilipino at ang mga interaksyon na nagaganap sa loob at labas nito. Bilang resulta ng katanungan tungkol sa mga icon ng transnasyonal na Pilipino na matatagpuan sa unang season ng Breaking the Tabo, natuklasan na mayroong walong icon na matatagpuan sa kabuuan ng unang season ng Breaking the Tabo. Ito ay ang mga sumusunod: (a) Pilipino sa Hollywood, (b) Filipinx, (c) Diasporikong Pagkalito sa Pagkakakilanlan, (d) Relasyong Pilipino’t Amerikano, (e) Relasyong Pilipino’t Kanadyense, (f) Pagkaing Pilipino, (g) Pilipinong Batayan ng Kagandahan, at ang (h) Tahanang Pilipino. Natuklasan din na ang laging ginagamit na mga retorikal na estratehiya ng Breaking the Tabo ay ang statement of the fact, pagbabakuna o proseso ng inokulasyon, at pagbubura ng kasaysayan, habang isang beses lamang nagamit ang retorikal na estratehiya ng tautolohiya. Mga susing salita: Breaking the Tabo, diaspora, transnasyonal na Pilipino, representasyong Pilipino, Pilipinong Amerikano, Pilipinong Kanadyense, One Down Media, semiolohiya, content analysis