Hindi Ito Kuwentong Pag-ibig

Pinaghahabi-habi ang kuwentong-buhay ni Isabel Rosario Cooper, mestizang aktres sa bodabil at isa sa pinakaunang artistang tampok sa sine ng Maynila na naging kilala sa kaniyang naging pakikipagrelasyon kay Heneral Douglas MacArthur, pinagninilayan ng Empire’s Mistress ang buhay at pag-iral sa gitna...

Full description

Saved in:
Bibliographic Details
Main Author: Vicuña, Vernadette, Gonzalez
Format: text
Published: Archīum Ateneo 2023
Subjects:
Online Access:https://archium.ateneo.edu/katipunan/vol11/iss1/5
https://archium.ateneo.edu/context/katipunan/article/1005/viewcontent/Katipunan_202023_2011_20No._201_205_20Mga_20Artikulo_20__20Gonzalez.pdf
Tags: Add Tag
No Tags, Be the first to tag this record!
Institution: Ateneo De Manila University
Description
Summary:Pinaghahabi-habi ang kuwentong-buhay ni Isabel Rosario Cooper, mestizang aktres sa bodabil at isa sa pinakaunang artistang tampok sa sine ng Maynila na naging kilala sa kaniyang naging pakikipagrelasyon kay Heneral Douglas MacArthur, pinagninilayan ng Empire’s Mistress ang buhay at pag-iral sa gitna ng pagkakaipit nito sa mga mekanismo ng kolonyalismong Americano sa Pilipinas. Itinatala nito ang mobilidad at pakikipagugnayang nabuo ng pagnanasang mayroon ang Estados Unidos sa kapuluan ng Pilipinas—at ang pamamaraan kung paanong subhetong nasasakop—partikular na ang kababaihan—ay hinubog mismo ang mga ito para sa kanilang kapakinabangan. Idiniriin ng kabanatang ito ang gasgas nang balangkas kung saan palaging nakakawit ang bangkay ng maririkit na kababaihan, lalo na sa mga kalagayang ibinubunga ng pagnanasa sa kaibang lahi at kolonyalismo. Sinisimulan ito sa mabilisang pagmamapa ng kalunos-lunos na “romansa” ng buhay ni Isabel Cooper bilang kerida ni Heneral Douglas MacArthur, na nagwakas sa kaniyang kamatayan noong 1960. Gayunman, sunod nitong ibinubunyag at kinukuwestiyon kung paanong ang naratibong yaon ang pilit na nagpapakilala sa kaniya at kung bakit mahalagang isalaysay ang sarili niyang kuwento mula mismo sa sarili niyang pananaw. Iginigiit ng kabanatang ito ang matalik na pakikipag-ugnayan at karahasan ng pamamahalang imperyal bilang kontekstong hindi maihihiwalay sa kaniyang kuwento, at sa halip ipinakikilala si Isabel Cooper bilang subhetong kinailangang baybayin kung ano ang ibig sabihin ng pagiging mestizang Americana Filipino noong mga unang taon ng dekada 1900. Sinusundan ng kabanatang ito ang proseso ng pananaliksik ng mayakda patungo sa puntod ni Isabel Cooper sa Los Angeles bilang paraan ng pag-unawa sa kakulangan ng artsibo, at sa suliraning idinudulot ng mga nakompromisong sanggunian sa paghahabi ng kuwento. Sa huli, tinatalakay ng kabanata ang maaasahang pira-piraso at espekulatibong hubog ng akda sa mga susunod nitong bahagi.